Ino- Character sketch and analysis
Character Sketch
![280502747_1859170890947011_274468284882136506_n.png](https://static.wixstatic.com/media/ca1cc9_8626d60d333e48249c6e5e841e1b2fb2~mv2.png/v1/fill/w_706,h_706,al_c,q_90,usm_0.66_1.00_0.01,enc_avif,quality_auto/280502747_1859170890947011_274468284882136506_n.png)
Character Analysis
WHO AM I?
Ako po si Ino. 9 years old. Sabi sa akin ni nanay payatot ako, kaya ayon. Ako ay isang payatot HAHA. Ganon din si kuya eh, payatot. Pagdating naman po sa school, hindi po ako pumapasok hehe. Hindi na po ako nakapag-aral kasi wala raw pera si nanay at si tatay naman po nasa kulungan. Pero ang kagandahan nun, palagi ako pwede makipaglaro kina Mak Mak at Len araw-araw. Ang saya diba! Madalas din ako palaboy laboy sa Maynila dahil minsan nakakatamad talaga pag nasa bahay lang. Eh sa bahay pa mismo mahilig magshabu si tatay at kung ano ano ginagawa ni nanay dun dahil sa pagiging tulak niya. Kung ako naman ay lalabas, marami naman ako natutuklasan sa labas kagaya kung ano ang mga nilalaro nila sa saklaan. Eh ayon, basta dyan sila masaya, normal naman yung mga ito sa amin eh. Pagdating sa mga gusto ko…. Gusto ko maglaro kasama ng mga kaibigan ko! Kagaya ng patintero o kaya pinaglalaruan namin ang holen o kaya umaarte kami na isang superhero HAHA. Gusto ko rin yung mga kwento sa akin ni nanay kaso ayaw ko sa mga nakakatakot. Yung mga kwento tungkol sa mumu. NAKO! Hindi ako makakatulog niyan, pero buti nalang kasama ko si kuya. Takot din ako na mawala sa akin si kuya at si nanay, di ko alam kung ano gagawin ko kung wala sila. Kaya kung mahiwalay man ako kay nanay, sana andyan si kuya at hindi niya ako iiwanan.
WHAT TIME IS IT?
Alam ko 2018 nah. At siguro gabi na sa labas, wala kami makitang ilaw eh. Yung mga sirena naman na naririnig namin, siguro parang lang ito sa atin na halos tuwing gabi na marami hinuhuli sa saklaan.
WHERE AM I?
Hindi ko nga po alam, eh. Tinatanong ko nga si kuya kaso wala naman siyang matinong sagot. Siguro isang lugar na dito lang sa Maynila…. Kaso randam ko talaga na wala na kami sa Maynila eh. Sobrang haba ng biyahe, tingin ko kung saan saan nila kami dinala. Yung lugar naman na ito Eh sa sobra salinis sa tingin ko po na kinuha na po kami ng mga alien. Si Kuya Ed, sabi niya nasa isang selda lang kami… selda 43 daw. Kaso ramdam ko talaga na hindi lang ito basta selda. SELDA NG MGA DINUKOT NG ALIEN!! DINUKOT KAMI NG MGA ALIEN!!
WHAT SURROUNDS ME?
Sana loob po kami ng isang kulungan na semento gray ang pintura. Pero sobrang linis po nito, kumpara sa kulungan sa Manila City Jail sabi ni Kuya. Sobrang tahimik din dito, sobrang lungkot. Pag may naririnig akong sirena sobrang nakakatakot. Naalala ko yung pahanon na sinugod kami ng mga pulis sa bahay, tinakot ako nun. Isa pa na nakakainis dito ay walang pagkain pero buti nalang andito si kuya. Hindi lang ako nag-iisa.
WHAT ARE THE GIVEN CIRCUMSTANCES?
Naalala ko na may pumuntang mga pulis sa bahay, hinahanap nila si nanay. Buti nalang nakatakas si nanay eh kaso kami naman ang pinagsisipa at dinukot. Sinasabi nila na tulak daw kami. Ang haba ng biyahe tapos nung tumigil kami, nilabas nila si Kuya tinulak siya sa imburnal. Narinig ko na nagmakaawa siya tapos may narinig naman akong tunog ng baril “bang bang” dalawang beses. Nung umardar ulit yung kotse pagpasok ng dalawang lalaki, pinaghahampas ako. Nung binaba ako ng kotse tinutukan ako ng baril. Tapos nawalan ako ng malay. At pagising ko, andito na kami ni kuya. Nung andito naman kami, sobrang natatakot ako lalo na yung sirena. Gusto ko na tuloy umuwi. Wala rin ako masyadong magawa dito at wala rin akong mga kalaro. Namimiss ko na si Mak Mak at Len. Sa tingin ko nga kinuha na talaga kami ng mga alien. At sana makalaya na kami dito bago nila kunin ang mga utak namin. Kaso ayon, kinuha na nila si kuya. Sana okay lang siya. Sana bukas makalaya na ako o makasama ko na si kuya.
WHAT ARE MY RELATIONSHIPS?
Yung mga kalaro ko sa bahay, na sina Mak Mak at Len, kapag wala ako magawa sa bahay sila yung mga pinupuntahan ko. Sobrang saya nilang makasama. Si kuya naman, sobrang saya ako na palagi siya nasa tabi ko kahit sobrang kulit ko HEHE. Kung hindi pwede sina Mak Mak at Len, si kuya yung kinukulit ko at nagiging kalaro. Naalala ko nga naglaro at nagkukunwari na kami ay Superhero! Sa kwarto. Ang saya! Meron din akong holen na bigay sa akin ni Nanay. Sabi kasi ni Nanay na minsan sobrang daming ginagawa ni kuya. Kaya kapag hindi ko siya pwede maging kalaro, ito muna ang lalaruin ko. Dahil dun palagi ko ito dinadala, kasi kapag naiinip ako o natatakot ako nilalaro ko lang ito para kumalma ako.
WHAT DO I WANT?
Gusto ko malabas po ako dito ng buhay. Wala akong mga kalaro at ayaw ko na mapagalitan ako ni Nanay. Gusto ko na rin makita siya. Gusto ko na rin makita sina Mak Mak at Len. Ayaw ko dito kasi nakakatakot dito. Lalo na yung sirena. Wala pang pagkain. Gusto ko na makalaya kasama ni kuya. Sana hindi kami mamatay at makalaya na kami.
​
WHAT IS IN MY WAY?
Nakakulong po ako sa selda na ito. Kung nakakulong ako, di ako makakalabas.
WHAT DO I DO TO GET WHAT I WANT?
Kinukulit ko si kuya kung may pagkain siya. Ayoko na mamatay kami sa gutom. Ganon din kay kuya Ed, tinatanong ko rin kung may pagkain siya. Tapos nun iniisip ko kung makakalaya kami dito, at sa pagkikinig sa pinag uusapan ni kuya Philip at kuya Ed sinabi ko na kay Kuya Ed kung pwede niyang sirain ang pinto. Kaso ang sagot niya, hindi madali tapos napaka gulo ang sagot niya. Kaya ayon, inisip ko nalang maghintay nalang na susunduin kami ni Nanay dito.